Sands of Time – Kabanata 11

March 15, 2018 By In Sands Of Time Comments Off on Sands of Time – Kabanata 11

Kabanata 11
Happy

Tinititigan ko ngayon ang isang buong papel na galing kay Dixon. Pagkatapos pinunit ni Raoul ang gilid ng sobre para makita ang nasa loob ay ibinigay niya agad iyon sa akin. He was staring right back at me with serious eyes.

Dear Soleil,

Pasensya ka na at dinaan ko pa talaga sa sulat. Nahihiya kasi akong magsabi sa’yo sa personal. Gusto ko lang na malaman mo na natutuwa ako sa interaksyon natin, kahit na simple lang at hindi mahahaba. Solve na ako sa mumunting pag-uusap natin.

Hindi ko alam kung bakit simula noong kinausap mo ako, hindi na kita matanggal sa isip ko. I guess it is safe to say that I like you. At habang tumatagal ang panahong nakikita kita sa malayo, hinahangaan at nagugustuhan, unti-unti ring nahuhulog ang loob ko sa’yo.

You are so kind and beautiful. The kind that the world does not deserve. Dahil nakikita ko lahat ng mga naninira sa’yo at nakikita ko rin kung paano mo sila ituring. I want to be closer to you but I guess it’s difficult. Kaya ito ang paraan ko para mas mapalapit sa’yo. Ang sabihin muna ang tunay kong nararamdaman.

Liligawan sana kita. Handa akong maghintay. Alam kong hindi mo pa ako gaanong kilala kaya bibigyan kita ng mahabang panahon para kilalanin ako at para na rin mapatunayan ko sa’yo na totoo ang nararamdaman ko at hindi masama ang intensyon ko.

Sincerely yours,
Dixon

“Paano mo nalaman?” tanong ko pagkatapos magbasa.

Tiningnan niya lang ng saglit ito kanina at binigay agad sa akin. How come he realized it immediately even with just the envelope?

“You don’t need to be a genius to figure it out with the kind of paper he used.”

Bumaba muli ang tingin ko sa papel. Yes, it is unusual. With the pink and red combination and with a lacey cut on the sides.

Ngumiti ako para ipakitang ayos lang. I know exactly what to do.

“Mabait na tao si Dixon.”

He sighed.

“How sure are you? Do you know him well?”
“Hindi, pero, base sa mga interaksyon namin, hindi siya masama.”
“Is he your classmate?”
“Hindi,” sabi ko at nagpatuloy sa pag-iisip.
“Maybe he’s just kind to you because he likes you. Hindi ka pwedeng magtiwala agad sa mga taong hindi mo pa lubusang kilala,” matamang sabi ni Raoul.

Tumango ako dahil alam ko iyon. May natutunan ako kahit paano sa mga interaksyon namin. Raoul’s right. Gaya na lang ng pagiging mabait ng lahat ng kaibigan ni Gasper sa akin. Sa huli, malalaman ko kung sino ang talagang maganda ang intensyon. Malalaman ko rin kung sino ang mabait lang dahil may ibang rason.

“Medyo alam ko na kung anong gagawin ko…” I proudly said.

His brow shot up at that. Pakiramdam ko, hindi siya sigurado kung seryoso ba ako sa sinabi ko o hindi. I wanna let him know that I don’t need much of his help anymore for this matter. Ayaw kong maging constant na sakit ng ulo niya dahil lang wala ako masyadong alam. May natutunan naman ako, kahit paano.

“And what are you going to do?”
“Isosoli ko ang loveletter kay Dixon. Sasabihin ko sa kanya na hindi ako handa sa mga ganyan.”

His face lightened up a bit. He shifted on his seat, tila nakuha ko ang buong atensyon niya.

“Hindi mo pagbibigyan?” marahang tanong niya.
Umiling ako. “Hindi rin magandang tingnan. Sinabi ko kay Gasper na hindi pa ako handa sa mga ganoon. Kung malaman niya na pinagbigyan ko si Dixon, baka mapasama pa ako.”

Kitang kita ko ulit ang bahagya niyang pagkagulat sa sinabi ko. I smiled proudly at him like a student recognized very well.

“Ako na ang bahala…” I assured him.

Though, for almost the rest of the week, I didn’t have much time to do it. Dumami ang school works. At dahil hindi ako sasali sa prom, mas kailangan kong pagbutihin dahil marami akong mami-miss na points. Bukod pa roon, tuwing sinusubukan ko, hindi ko nahahanap si Dixon.

Our meetings every afternoon remained the same. Kung naliligo siya o ‘di kaya’y may ginagawa sa laptop, sa cellphone niya naman ako nagkukulong. And I barely touch my account, too. Simula noong sinabi niyang ayos lang na gamitin ko ang account niya, iyon nga ang ginawa ko.

It makes me happy thinking that I can get that close to him. Pakiramdam ko, iyan na ang pinakasukdulan sa paglalapit naming dalawa. To be able to see the things on his account means seeing the other side of him. Iyong hindi narito sa Costa Leona. The Raoul Riego of Manila.

“Hindi mo ba talaga rereplyan ang mga nagmemessage?” puna ko nang nakitang pagkabukas ko pa lang sa cellphone niya, may pumasok na tatlo agad.

He replies to some of his friends. Lahat halos puro trabaho ang pinag-uusapan. Kung hindi man, schedule yata ng mga appointment. Iyong iba, hindi ko na binubuksan dahil pakiramdam ko sobra-sobra na at masyado nang pribado. Ang ginagawa ko nalang, dahil ubos ko na ang pictures niya, nagbabrowse ng iilang videos na dumadaan sa kanyang newsfeed.

“I will if it’s important…” he murmurred lazily. His eyes left the laptop for me.
“Gaya ng trabaho?” sabi ko, tinutukoy ang iilang nabasa kong nareplyan niya naman.
“Yup. Why? Did something bother you?” buo na ang atensyon niya sa akin ngayon.
Umiling ako. “Kung eskwela pala ang icha-chat sa akin, rereplyan ko na rin.”

I pouted. Nag-isip akong mabuti kung mayroon bang ganoon ang sinabi. Mukhang wala naman. It’s just all “Hi” and “Hello” or “Kumusta” and the likes.

“Hindi rin lahat ng nagtatanong tungkol sa eskwela, iyon lang ang intensyon.”

Napaisip ako sa sinabi ni Raoul. Well, he’s right. Pwede ngang ipapadaan lang ng iba roon ang tunay na motibo, hindi ba?

On Friday, gaya ng nakaraang mga araw, maaga ulit ang uwi ko. Kahit pa nasanay naman ako na hindi kami nagkikita ni Raoul noon kapag Biyernes, I am still looking forward to it. Dadaan parin ako sa long cut. Hindi man ako sigurado kung nasa kamalig nga siya o wala.

Katatapos lang ng klase at nag assemble na ang Grade 11 at Grade 12 sa covered court para sa prom practice. Weekend na bukas kaya naisip kong mas mabuti sana kung makausap ko si Dixon tungkol doon sa letter niya. Hindi ko kasi siya mahanap na simula noong Lunes kaya ngayon, sinadya ko na naman ulit sa kanilang classroom.

“Sino kayang pinupuntahan niyan sa kabilang section, e, hindi ba si Gasper hindi naman taga riyan?”

Nilingon ko ang nagsalita pero dahil dismissed na ang klase at nagsisilabasan na sa mga classroom ang lahat para sa assembly, hindi ko na makita kung sino ang nagsasalita.

Hugging the book tightly, I remained standing outside their classroom. Nang may nakitang babaeng nakatingin ay ‘tsaka lang ako naglakas loob na magtanong.

“Si Dixon?” tanong ko.

Luminga linga siya at umiling. Parang nagmamadali siyang sabihin sa akin.

“Hindi, e… Lumabas yata…”

Ganoon ang laging sinasabi ng mga kaklase niya.

“Ganoon ba? Sige, salamat!”

I smiled. Umalis na agad ako roon. Bumaba na at ayaw ko nang magtagal pa. Pababa ako ay narinig ko ang iilang mga nagsasalita sa taas.

“Umalis na, Dix. Ba’t ka ba kasi nahihiya? Ano bang nangyari?”

Kumunot ang noo ko at natigil sa pagbaba. He’s there?

Bumaling ulit ako sa hagdanan pataas para makita kung naroon nga.

“Wala pa akong lakas ng loob…” boses ni Dixon ang narinig ko.

Lakas ng loob para saan? Na makita ako? Na kausapin ako? I’m torn between just doing it and letting him have his pace. Pero kung patatagalin ko pa ito, pakiramdam ko sa akin parin ang mali. Hindi magbabago ang nasa isip ko. Ayaw kong patagalin pa kaya hindi na ako nag-alinlangang umakyat pabalik.

Hiningal ako paakyat. Nakita ko si Dixon na kinakausap ng mga kaklase niya. He looks so stunned when he saw me on their floor. Pati na rin ang mga kaklase niya’y natahimik.

He blushed so much that I realized I had to take it slow. And probably at least not in front of his friends.

“Dixon, nandito ka lang pala… Uh, magsosoli sana ako ng aklat… at… pwede ba kitang makausap?”

Hindi gaya ni Gasper, wala yatang alam ang mga kaibigan niya sa kung ano man ang isinulat niya para sa akin. Sobrang tahimik nila. Walang hiyawang naganap. Nagsiatrasan na lang ng tahimik hanggang sa naiwan kaming dalawa.

It took Dixon a while to nod and agree with me. Naglakad siya patungo sa dulo ng corridors at sumama naman ako.

“Salamat sa pagpapahiram nito. Una kong binasa para masoli mo na talaga sa library…” sabi ko.
He nodded. Tinanggap niya naman ang libro.
“Noong nakaraan pa kita hinahanap para masoli ko na, pero lagi kang wala kaya… baka may penalty na ‘yan-”
“Okay lang! Okay lang!” agap niya sabay awkward na tawa.

Natawa rin ako pero hindi rin nagtagal ay nagseryoso na. Raoul would be very proud. Ikukwento ko sa kanya ito mamaya. Na hindi ko na kailangan ang tulong niya. I know now how to say “no”.

“Nabasa ko rin ang letter mo para sa akin,” sabi ko.

Napawi ang tawa niya. Unti-unti siyang nag-angat ng tingin sa akin. His eyes were a bit wary and guarded. Ramdam na ramdam ko ang kanyang kaba.

“Maganda. Magaling kang magsulat ng nararamdaman,” I said.
“Th-Thank you…”
“Pero alam mo kasi, Dixon…” sabi ko at nahirapan na ulit.

This will probably never become easy.

“Wala pa kasi sa isipan ko ang pagboboyfriend. Pag-aaral pa ang inuuna ko at…”
“Leil!” agap niya habang pinong hinihingal sa kung ano. “Alam ko naman iyon. Narinig ko sa iba na hindi mo rin sinagot si Gasper. Naiintindihan ko!”

Nagulat ako roon.

“Kaya nga… medyo kabado ako at iniwasan muna kita… Alam kong ganito ang sasabihin mo sa akin.”

Wow! I did not see that coming. He looked away shyly.

“Kaya nga sinabi kong maghihintay ako, ‘di ba?”

Maghihintay. I remember Gasper saying that to me. We still smile with each other till today. Busy nga lang kaya hindi gaanong nagkakasama na.

Kung pareho silang maghihintay kung kailan ko maiisip na gusto ko sila, paano iyon? Hindi ba sila mapapagod? Paano kung hindi at magdadaan ang mahabang panahon ng kanilang pag-asa sa isang bagay na walang kasiguraduhan tulad ng nararamdaman ko para sa kanila?

“Ayaw kong maghintay ka pa. Unfair iyon. Wala akong maipapangako-”
“Leil!” agap niyang ulit. “Hindi mo naman kasalanan kung maghihintay ako…”

Natigil ako. He laughed shyly again.

“Mas mabuti pa nga si Gasper, kasi pina unlakan mo nang nag-ayang mag date. Ako…” he smiled and sighed. “Hindi pa nga tayo nakakalabas. Yayayain pa lang kita. Ibabasted mo na ako?”

Hindi ako nakakibo. Naiintindihan ko naman ang iniisip niya. Maybe he thinks I never even considered giving him time.

“Kung buo na talaga ang desisyon mo, kahit isang labas na lang, Leil, pumayag ka…”

Isang labas? Isang date?

“Huh? Kailan naman?” gulat kong tanong.

His face lightened up. Parang nabigyan ko siya ng pag-asa o konting kasiyahan. Ang pakiramdam na kaya kong ibigay iyon sa kanya kahit pa nasabi ko na ang tunay kon nararamdaman ay masaya.

“Ngayon!”
“Hindi ba may practice kayo?”
“Ipagpapaliban ko muna. Pwede naman iyon!”

Whoa! But I don’t want him to be absent just for it. Lalo na dahil alam kong seryoso siya sa pag-aaral.

“Pero Dixon, sayang naman-”
“Pwede iyon, Leil. Please… Kahit ngayon lang!” aniya sabay hawak sa kamay ko.

I don’t exactly know how he got away with it. Hindi ko nga sana gustong gawin niya iyon pero nang sinabi niyang magpapaalam naman siya ng maayos sa teacher, parang mas gumaan ang loob ko.

“Pasensya ka na…” he laughed awkwardly again.

I waited for him in front of the school’s gate. Hindi naman siya nagtagal. Hinawakan ko ang aking shoulder bag at nginitian na siya pabalik.

“Hindi ka naman nagtagal. Saan tayo?” tanong ko.
“Uh… Sa may mga tiangge? Ayos lang ba? Uh… Ililibre kita ng pagkain doon-”
“May pera naman akong konti rito-”
“Hindi na, Leil! Nakakahiya naman. ‘Tsaka matagal na kitang gustong yayaing lumabas para malibre kita kaya huwag mo nang isipin iyon.”

I admit it. May pera ako pero hindi na ako makakabili pa ng pagkain. Naubos na kanina noong snack kaya pumayag na ako sa gusto ni Dixon.

Sumakay kami ng tricycle patungo sa mga tiangge. Naalala ko na ‘tsaka lang ako pumupunta roon kapag nabigyan ni Papa ng pera. Namimili ako ng damit at pagkain para sa mga tao. Maraming street food doon, gustuhin ko mang bumili, mas inuuna ko ang ibang mas importante kesa ganoon.

Kaya naman, nang nagyaya si Dixon na kumain kami ng streetfood na libre niya, hindi ko maitago ang excitement.

Nakatingin ang iilang tindera sa amin. Nahihiya nga ako tuwing naiisip na baka pagsalitaan ako ng masama at mapahiya ko pa si Dixon. Mabuti na lang at tahimik lang naman silang nangungutya. Iilang pandidilat at bulungan lang ang na experience ko, walang harap-harapang nagsasalita. Siguro na rin, nakita nilang may kasama ako at ayaw nila itong maging hindi kumportable.

So literally, we are the only antagonists of the whole Costa Leona. Ang lahat na hindi kasama ko sa village, kaibigan nila. Kaya mabuti ang tungo nila kay Dixon kahit pa magkasama kami at maari siyang madamay sa tingin nila sa akin.

“Busog na busog ako!” sabi ko pagkatapos makakain ng tatlong klaseng streetfood.

Hindi naman talaga ako matakaw. Busog na nga ako sa pangalawa. Kaso lang, niyaya ako ni Dixon na samahan siya sa pangatlo niya kaya tumikim na rin ako.

Akala ko uuwi na kami, nagkamali ako. Nagpasya si Dixon na tumingintingin muna kami sa tianggihan. Pumayag naman ako. Lalo na dahil nakakapili ako ng kung anu-anong gamit nang hindi kinukutya o tinataboy.

Hindi ko alam na ang simpleng ganoong bagay pala ay nakakatuwa. Nakatingin lang sila sa amin at hindi na ako tinataboy pa.

“Gusto mo ba ‘to?” he asked when I stared too much at a flower tie.

Hindi ako kailanman nakapagsuot ng palamuti sa buhok, pampusod man o kahit ano. Ang sabi ni Papa, dahil ako ang Sugo ng Liwanag, kailangan laging nakababa ang aking buhok. Hindi rin ito pinuputulan masyado, dinadagdagan pa ng belo kapag araw ng pagsamba.

“Oo. Ang ganda kasi…” sabi ko.
“Magkano po ito?” tanong ni Dixon sa tindera.
“Bente pesos ‘yan,” maagap na sagot namna nito.
“Bilhin ko po…” aniya sabay abot agad sa kanyang bayad.

Namilog ang mga mata ko. Pipigilan ko sana pero nakita niya ang reaksyon ko. Agad niyang tinanggap ang pampusod.

“Huwag na!” agap ko.
“Ayos lang, Leil. Isipin mo na lang na regalo ko ito sa pagsama mo sa akin-”
“Hindi ba regalo na iyong panlilibre mo? Ngayon, binilhan mo pa ako niyan!”

He smiled shyly and opened my hand. Ramdam ko ang panlalamig niya. Nilapag niya sa palad ko iyon.

“Lulubus-lubusin ko na. Baka next time, hindi mo na ako pagbigyan kaya sige na. Huwag ka nang tumanggi…” seryoso niyang sinabi.
“Soleil!” isang pamilyar na hiyaw ang narinig ko.

Napabaling ako sa pinanggalingan. Nakita ko si Lola Brosing na may dalang bayong sa kabilang kamay. Ngumiti ako at kumaway sa kanya. Ngumiti rin si Lola at lumapit na.

“Lola!” sabay mano ko.
“Andito ka pala. Napasyal ka…” sabay makahulugang baling niya sa kasama ko.
“Ah. Lola, si Dixon po, kaibigan ko. Dixon, si Lola Brosing, nanay ni Ma’am Avila.”
“Magandang hapon, po!”
“Magandang hapon naman, hijo…” ngiting ngiti si Lola. “Mabuti at pinasyal mo itong si Leil.”
“Lola…” masuyo kong sinabi dahil alam ko na kung saan ang tungo nito.
“Naku! Mabuti nga hong pinaunlakan po ako.”
Tumawa si Lola. “Siya… hindi na ako mang iistorbo, ha? Namili lang ako sa palengke, Leil, para bukas. Hindi ba sabi mo bibista ka lagi kapag Sabado?”
Tumango ako.
“Maiwan ko na kayo, kung ganoon. Mag enjoy kayo sa date n’yo…”
“La!”
“Asus! Itong batang ito. Normal lang ‘yan! Sige na… masira ko pa ang porma nitong si Dixon.”

Nagtawanan kami bago tuluyan nang umalis si Lola. To be honest, I had fun. I actually feel very normal now after that.

Lalo na dahil nang umalis si Lola ay marami pa kaming binisitang tiangge. Nanood kami ng iilang mga isdang nasa loob ng aquarium. Sinubukan din namin iyong bunutan at nanalo kami ng chichirya, pero pagkatapos pa iyon ng ilang subok kaya medyo napagasta rin si Dixon doon.

I enjoyed it so much, actually. I can’t believe it.

Papalubog na ang araw nang naglakad kami patungo sa gubat. Doon na ako dadaan dahil kung sa longcut, gagabihin na ako. Hindi ko rin sigurado kung naroon nga si Raoul kaya ayos lang siguro ito.

“Salamat!” sabi ko kay Dixon. “Sobrang natuwa ako.”
He blushed profusely. Napahawak siya sa kanyang leeg at napayuko. “Masaya ako at natuwa ka. Pasensya na sa mga libre ko, ha?”
“Naku ano ka ba? Ang swerte ko nga at nailibre mo ako. Dapat sa susunod huwag na. Nakakahiya. Hindi bale, kung ako naman ang makaipon, ililibre kita. Hindi nga lang kasing galante ng panlilibre mo…” sabi ko.
“Sasabihin ko sanang huwag na! Pero kung ‘yan lang ang paraan para maulit ito…” he trailed off.

Ngumiti ako nang natanto ang ibig niyang sabihin.

“Gusto kitang kaibigan, Dixon…” tanging nasabi ko.

Sa gulat niya’y nag-angat siya ng tingin sa akin. Our conversation ended there. Nagpaalam siya at nagpaalam na rin ako.

I feel normal. I feel like these are the things teenagers like me are doing with their lives. Tama si Raoul, hindi ko dapat pagsisihan ang mga bagay na ikinatuwa ko. Dapat ay mamuhay ako ng normal, kahit pa hindi normal ang nakatalagang buhay sa akin.

Iyon ang naging laman ng isipan ko habang nanggagamot. Ilang pahid ng langis at paghahampas ng mga pinainitang dahon sa may mga lagnat at iba pang sakit, natapos ang araw ko.

Maaga akong nagising at naligo kahit pa Sabado. Ang sabi ni Papa, aalis daw siya kasama ang mga kaibigan kaya bahala na ako sa village habang wala siya ng ilang araw.

“Saan ka naman pupunta, Papa?” tanong ko.
“Basta! Hindi naman sasama ‘yang mga tao sa akin kapag hindi utos ng liwanag, hindi ba?” katwiran niya.

Hindi ko alam kung niloloko parin ba ako ni Papa o nakasanayan niya lang na ganyan ang gawing katwiran. Ano man ang ginagawa nila, may pagdududa akong para lang iyon sa kanyang sarili at hindi naman talaga misyong sugo ng liwanag.

Sinamantala ko naman ang pagkakataong iyon para pumunta sa kina Lola Brosing at Ma’am Avila. Sa long cut ako dumaan kasi hindi kami nagkita ni Raoul kahapon kaya umasa akong naroon siya.

Wala siya. Walang tao sa kamalig. Kaya dumiretso na lang ako sa kina Lola Brosing. Natagalan pa tuloy ako. Inabot ng alas onse y media.

Inayos ko ang buhok ko. Kanina, nang natanto kong walang tao sa kamalig, nagpasya akong subukan ang pag pusod sa buhok gamit ang bigay ni Dixon. Kaharap ang sapa, inayos ko ang buhok ko. Maayos naman siyang tingnan, ayon sa repleksyon ko galing sa bintana ng mga Avila.

“Magandang tanghali, po!” sabi ko nang nakarating na kina Lola Brosing.

Naririnig ko kasi ang mga boses nilang nag-uusap. Mukhang masaya ang araw nila.

Pumasok na ako sa loob. Walang tao sa sala kaya dumiretso na ako sa kusina. Laking gulat ko nang nakita si Raoul doon, tahimik at seryoso.

“Soleil! Nandito ka na! Kanina ka pa namin pinag-uusapan!”

Sa gulat ko’y hindi ako nakangiti agad. Wala ang kabayo ni Raoul kaya sobrang ikinagulat ko na naroon siya. Hindi ko inasahan iyon.

“Po? Ano pong pinag-uusapan ninyo?” sabay linga ko sa kanila pero sa huli kay Raoul ulit bumaling.

He’s sitting on his usual spot on the dining table. He’s wearing a black v-neck t-shirt, faded jeans, and even without looking at his feet, I know it’s black boots. The gold fine chain on his neck is beautifully hanging on it. The subtle hint of bristles on his forearms is leading the way to his brown wristwatch.

Hindi yata talaga ako magsasawa sa nakakasindak kong paghanga… at higit pa… sa kanya.

“Ano pa? E ‘di iyong kahapon!? At iyong nakaraan din. Na hindi mo kinwento sa akin kasi nagmamadali ka nang umuwi…” tunog nagtatampo na sinabi ni Lola Brosing.
“Leil, ngayon lang kita nakitang nag ponytail. Bagay sa’yo…” sabi naman ni Ma’am Avila sabay haplos sa mahaba kong buhok.

I smiled and then looked at Raoul. He remained quiet and serious. Tipid ko siyang nginitian. Naupo ako sa harap niya.

“Ay talagang nagdadalaga na. Maingat na sa suot at ayos, e!” natutuwang sinabi ni Lola.
“Sinusubukan ko lang po naman itong pampusod. Bagay ba, Lola?” lambing ko.
“Oo naman! May hindi ba babagay sa’yo, hija?”
“Mukha na po ba akong mature na?” sabi ko, pinapangarap ang matagal nang ipinagdarasal.
“Bakit? Gusto mo nang tumanda na?” si Ma’am Avila.

Uminit ang pisngi ko. HIndi na ako nagsalita pa.

Tumawa si Lola Brosing at tinapik na ang likod ko. Nilapag niya ang pagkain sa lamesa at naupo na sa tabi ko.

“Naaaliw ka sa marami mong manliligaw, ano?”
“Hindi naman po…” sabi ko.
“Pero masaya ka kahapon?”

Sumulyap ako kay Raoul na nakatitig parin sa akin.

“Uh… Opo. Nilibre po ako ni Dixon. Siya rin po ang nagbigay sa akin nitong para sa buhok.”
“Patingin?” sabay na tiningnan ng mga Avila iyon.

Pagkatapos ng intriga ay naupo na sila at nagsimula na kaming kumain.

“Akala ko ba alam mo na ang gagawin?” si Raoul na sa pagkain na inaabala ang sarili ngayon.

Bumagal ang pag kuha ko sa kanin sa kakaisip sa tanong niya at isasagot ko.

“Oo.”
“Sinagot mo?” tanong ni Raoul.
“Uyy! Si Leil, may boyfriend na!” tukso ni Lola Brosing sabay pindot sa gilid ko.
Tumawa ako at umiling. “Lola naman! Wala po!”
“You agreed to have a date with him yesterday. Kaya ba hindi ka nakauwi ng maaga?” si Raoul.

Natahimik silang lahat. Si Ma’am Avila ay kunot-noo na tumatango sa akin. Tumikhim ako. Hindi ko inasahan na itatanong niya iyon. Mas lalong hindi ko inasahan na nasa kamalig siya kahapon.

“Sinabi ko sa kanya na pagkakaibigan lang ang gusto ko. Pero humingi siya ng pabor na magkasama kami kahit isang hapon lang. Kaya pinaunlakan ko na…” sabi ko, inaabangan ang reaksyon ni Raoul na ngayon ay abala parin sa pagkain.
“Naku! Naku! Noong nakaraang Sabado, ha! Ibang lalaki iyon, ‘di ba? Ngayong Sabado, ibang lalaki ulit? Sige nga. Nakita ko naman ang ginawa ninyo kahapon. Magkwento ka sa nangyari noong Sabado!”

Hiyang-hiya ako. Lalo na dahil inabot kami ng ala una, pinag-uusapan lamang ang nangyari noong Sabado.

“E ‘di sana, sa lips mo na! Sinagad mo na! Babastedin mo rin naman pala!” si Lola Brosing.
“Mama!” concern na agap ni Ma’am Avila.
“Ay naku, Luz! Ikaw na rin ang nagsabi na alam na ni Leil paano umakto sa mga lalaki, ‘di ba? E, hindi na ito maloloko kapag bata pa lang ay mulat na!” katwiran ni Lola Brosing.
“Bata pa si Leil, Lola, hindi yata magandang-” si Raoul na agad pinutol ni Lola.
“Ilang taon ka ba sa una mong halik, Raoul?” natatawang tanong ni Lola.

Napatuwid ako sa pagkakaupo. Now all my attention is on him. Ilang taon siya noong unang halik niya? Sino? Nagkakausap pa ba sila noong babae? Anong naramdaman niya? Gusto niya ba ang babae? Mahal… niya ba?

“Naku, Lola! Under sixteen, for sure na ‘yan!” si Ma’am Avila ang sumagot.
Umangat ang gilid ng labi ni Raoul at umiling, natutuwa sa kakulitan ng matanda.

But I’m here now watching him carefully. Nang nagtama ang tingin namin ay bumalik ulit sa seryoso ang kanyang ekspresyon.

“Kita mo na! ‘Di ba?” katwiran muli ni Lola.

Laking pasasalamat ko nang natapos na ang aming usapan. Ayaw naman talagang tapusin ni Lola pero ipinilit ko na magdidilig ako ng halaman sa labas para lang matigil na iyon.

Para akong nakalutang nang pagkatapos ng ilang pasong diniligan ay nakita ko na ang paglabas ni Raoul sa bahay, palapit sa akin. I wonder if what I’m feeling is still normal. Hindi naman ganito ang nararamdaman ko sa ibang lalaki. Sa kanya lang talaga. Sa kanya lang.

“Pasensya na kahapon…” inunahan ko na ang kaba ko.

Sumulyap ako sa kanya. Ang madilim niyang mga mata ay napaka misteryoso. Dagdagan pa ng mga labing…

“Did you enjoy it, though?” aniya.

Napabaling ako sa kanya. He’s looking at the plants. Natunugan ko rin ang kakaibang tono at pahiwatig sa boses niya pero maaring guni-guni ko lang iyon.

“Oo… Masaya ako,” marahan kong sagot.

Hindi siya nagsalita. Kinabahan agad ako. Hindi ko alam kung bakit.

“P-Pero sinabi ko na sa kanya na pagkakaibigan lang din ang gusto ko. Gaya ng sabi ko noon kay Gasper.”
“Bakit? Iyon lang ba talaga ang gusto mo?”
“Oo naman!” mabilisan kong sagot.

Nagkatinginan kaming dalawa. I cannot deny the hope and yearning in my eyes as I look at him. He looked away, tila ba may nakakapaso o kung ano sa tingin ko.

“You look good in your ponytail…” aniya.

Hindi ko maramdaman ang kamay kong nakahawak sa hose. Hindi ko maalala kung kailan niya ako napuri ng ganoon. Kaya namang pagkarinig ko sa nasabi niya, para akong nililipad sa kaba at saya.

I look good, he says! But I am not sure if that’s enough for me. I gripped on the hose tighter.

“Soleil! Andyan ka pala!” sigaw ng iilan galing sa labas ng gate ng mga Avila.

I turned to see who’s calling. Namilog ang mga mata ko nang nakita ang tatlong kaklase kong nakasakay sa bike. Si Jeff, Charlie,at Sharlene ang naroon. Gaya ng iba, hindi ko naman masyadong close pero hindi rin naman sila masama sa akin.

Kitang-kita ko ang gulat sa mga mata ni Sharlene nang nakita si Raoul sa gilid ko. Immediately, I side stepped unconsciously to protect Raoul from any rumor.

“Uy! Jeff… si Soleil oh!” tukso ni Charlie kay Jeff.

Tahimik na nagsuplado si Jeff kay Charlie. Sharlene smirked. Binaba niya rin ang bike niya at lumapit na sa gate.

“Dito ka pala naglalagi! At kasama mo pala si Raoul!” walang hiya-hiyang sinabi ni Sharlene. “Close kayo, Leil?”
“Naku!” I shouted. “H-Hindi! Uh… Hindi…” sabi ko sabay tingin kay Raoul.

Sharlene shamelessly opened the gates. Sumunod naman si Jeff at Charlie roon. Nang nakita ni Ma’am Avila kung sino ang mga bisita, inanyayahan niya agad kami sa loob.

“Jeff? Jeff ang pangalan noong crush ni Soleil, ‘di ba?” anunsyo ni Lola Brosing sa buong bahay dahilan ng sobrang pagkapahiya ko.

My face heated so bad. Tumalikod ako at pumikit ng mariin. Pagkadilat ko’y si Raoul agad ang nakita ko dahilan ng mas lalong pagkapahiya pa.

“Nakakahiya!” sabi ko kay Raoul.

His lips parted. His eyes looked calm and sorrowful at the same time… or am I imagining? Kasi agaran ang pag-iiba nito. Mabilis na hindi ko na mabasa ang kanyang ekspresyon. May kinuha siyang mga susi sa kanyang bulsa.

“Si Lola talaga!” mas mahinahon kong sinabi.

Nagbabatian na sila ngayon sa sala.

“Leil! Halika na rito! Mamaya ka na magdilig ng halaman! May mga bisita ka pala!” tukso ulit ni Lola.

Kinagat ko ang labi ko pero unti-unti nang nakakalma. I’m not sure but… Raoul seems…

“Uuwi na ako…” he said.
“Maglalakad ka lang?” medyo mabilis kong tanong.
“I brought my car…” aniya at nilagpasan na ako para makapagpaalam na sa mga Avila.

Like

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Comments are closed.