Nung Narealize Mo Na…

Jonaxx

NUNG NAREALIZE MO NA

Hindi ko talaga alam kung kailan nagsimula ang lahat. Ang tanging alam ko ay una kaming nagkakilala sa sa orientation ng school namin. College na ako noon at nahiwalay ako sa mga kabarkada ko dahil iba-iba ang course namin.

“Dito na ako, Ly. Kita tayo mamaya?” Sabi ng kaibigan ko.

“O sige, Ton. Text ka lang.” Kumaway ako at umupo kasama ang ibang freshman sa college namin.

Galing ako sa isang prestigious na paaralan nung highschool pa ako kaya marami din akong kilala.

“Hi, Lyle!” Bati nina Bea at Alex sakin.

“Hi!” Tumango ako.

Nakita kong nanginig at nagtilian silang dalawa. Nagdalawang isip pa silang umalis. Nang nginitian ko na, saka pa natauhan at tuluyan nang umalis sa harapan ko.

Umiling ako at naghintay.

“Hi, uhm, may naka upo na ba dito sa tabi mo?” Tanong ng isang intsik na babae.

“Wala. Ge, upo ka lang.” Sabi ko at tumingin na sa harapan.

Umupo din siya sa tabi ko. Tumaas ang leeg ko sa kakatingin sa ibang estudyanteng nakaupo at naghihintay magsimula ang orientation. At doon ko nakita si Avon… Wala nang mas gaganda pa sa kanya. Nakanganga ako habang tinitignan siyang humahakbang galing sa harapan at palabas ng gym.

“Mag c-cr siguro.” Bulong ko sa sarili ko.

Parang nag slow motion siya sa paningin ko habang humahakbang siya palabas ng gym. Ang ganda niya talaga! Maputi! Nagpagupit yata siya ng buhok nung summer. Mahaba yun bago kami gumraduate, hanggang shoulders na lang ang buhok niya ngayon.

Sinalubong siya ng boyfriend niyang si Daniel. Kainis kasi alam ko kung anong klaseng lalaki yan si Daniel. Pero wala na akong magagawa kasi sinagot niya na noong summer.

“Ganda talaga ni Avon!” Naaninaw ko ang lalaking katabi ko sa kabila. “Sheeet!” Umiling siya at ngumisi.

“Kilala mo si Avon?” Tanong ko sa kanya.

“Oo. Bakit? Ang ganda nun, noh!” Aniya.

Sabay naming tinignan si Avon palabas ng gym.

“Sayang lang may boyfriend na.” Aniya.

“Di… Maghihiwalay din yan.” Sabi ko.

“Huh? Paano ka nakakasiguro?”

“Pinaglalaruan lang siya ni Daniel. Kilala ko yun. Schoolmates ko sila.” Sabi ko.

“Talaga! Wow! Ang swerte mo naman! Kung ganun you had your chances!? Ba’t di mo pinormahan si Avon kung ganun? Kung kami schoolmates, mauunahan ko talaga yung Daniel na yun.”

“Pinormahan ko, no. Pero syempre, iba pag team captain na ng basketball team ang manliligaw. Tss…”

“Team captain din ako ng basketball team namin. Dito nga pala ako nag highschool.”

Tinignan ko siyang mabuti hanggang sa unti-unting lumaki ang mata ko.

“Jerome Madrigal?”

Tumawa siya, “Oh? Kilala mo ako?”

“Syempre! Pero di kita nakilala agad. Varsity din ako sa school namin. Kasama ko yung Daniel na yun. Siya captain namin.” Sabi ko.

“Err… Lyle, tayo daw.” Sabi nung katabi kong babae.

“Huh?” Nilingon ko siya. Lumingon ako pabalik kay Jerome at nakita kong nakatayo na siya sabay lagay ng kamay niya sa dibdib.

“Pambansang Awit.” Sabi nung babae.

Bakit ako kilala nitong babaeng ito? Hindi ko alam! Oh well…

“Ako nga pala si Jiezel.” Sabay lahad niya ng kamay pagkatapos naming kumanta ng Pambansang Awit.

Tumango ako at kinamayan siya saglit.

“Pare, pengeng number. Pag may laro ako sa basketball, willing ka bang sumali? Pareho pa tayong may gusto kay Avon, malay mo pag nagkahiwalay sila ni Daniel, pareho tayong may shot.” Tumawa si Jerome.

“O sige, heto.” Binigay ko ang number ko sa kanya.

That was the oldest memory of us. Yun ang batayan ko sa lahat ng nangyayari sakin ngayon.

“Lyle, yung assignment natin?” Tanong ni Jiezel.

Simula kasi nung orientation ay tabi na siya ng tabi sakin. Nung tinanong ko kung bakit, sinagot niya lang ako ng, “Kasi ikaw lang kilala ko dito.”

Nakakaawa naman kaya hinayaan ko na lang.

“Di ako pwede, Jiez. Send ko na lang sayo mamaya through Facebook. I-add mo ako.”

Lumiwanag ang mukha niya at ngumisi, “Talaga? O sige, i-aadd kita. Bakit? Saan ka pupunta?”

“May laro kami ni Jerome ngayon. Send ko na lang sayo mamaya.”

Tumalon siya at nagpunta agad sa mga kaibigan niya. Kahit na may mga kaibigan na siya ngayon, dikit parin siya nang dikit sakin. Di bale na nga lang. May benefit din naman ako sa pagdikit niya sakin eh.

“Kumain ka na, pre?” Nabigla ako sa tanong ni Jerome pagkalabas ko ng sasakyan.

“O-Oo, bakit?” Tanong ko.

“Good!” Sabay high five niya sakin. “Pag gutom kang naglalaro, matatalo tayo!” Tumawa siya.

Umiling ako. “Kumusta school?” Tanong niya.

“Okay lang. Mahirap.” Tumawa ako. “Buti may partner akong mejo responsable.”

“Sana naging blockmates tayo para tayo ang magpapartner. Ayoko sa partner ko eh. Masaya sana pag tayo ang partner…”

Napalunok ako habang nagkakatitigan kami.

“Diba?” Tumaas ang kilay niya.

“O-Oo naman, syempre!”

“Nagdadalawang isip ka pa yata eh!” Tumawa siya.

“Di ah! Masaya kung tayo ang partners!” Pinilit kong tumawa pero sobrang pawis na ako sa sinabi ko.

Naglaro kami ng basketball at nanalo. Pagkatapos ng laro, pareho kaming sobrang pawis.

“Ayan, ginutom tuloy ako.” Sabi ko habang nagbibihis.

“Kain na lang muna tayo bago umuwi. Sayang, sana di ka na nagdala ng sasakyan. Next time kukunin na lang kita sa inyo pag may laro. Saan ba ang inyo? Pakilala mo naman ako sa parents mo.”

Liningon ko siya.

Nagpupunas lang naman siya ng pawis sa mukha. Basa pa ang buhok niya at may pawis sa matangos niyang ilong.

“Sa Santa Barbara lang naman bahay namin.” Sabi ko.

“Oh? Malapit lang pala samin. Taga Green Village ako eh. O, diba? Mas madali kitang mapupuntahan sa inyo.”

Tumango ako. Hindi dahil sang ayon ako sa sinabi niya, kundi para maalig ang pag iisip ko.

Isang araw, habang seryoso akong nag aaral sa isang subject namin…

*Text Message*

Binuksan ko at nakita kong galing kay Jerome…

Jerome: Pre, kita ko si Avon. Mukhang malungkot. Shet.

Lumakas ang tibok ng puso ko. Maghihiwalay na ba si Avon at Daniel?

Nireplyan ko agad: Saan? Baka hiwalay na sila o maghihiwalay? Umiiyak ba?

Jerome: Hindi. Pero malungkot siya. Kinocomfort nga siya ng mga kaibigan niya ngayon. Nasa Haggerty House ako ngayon. Kitang kita ko siya sa benches. Daan ka dito pagkatapos ng subject mo diyan sa Engineering building.

Ha? Paano niya nalamang nasa Engineering building ako? Tumingin ako sa labas. Wala namang tao. Rereplyan ko sana pero hindi ko nagawa. Nag quiz kasi kami noon.

Pagkatapos ng quiz ay bumalik ako sa cellphone. Hindi na siya nag text ulit.

“Sino bang katext mo?” Tanong ni Jiezel.

“Ha? Wala.” Umiling ako at dali-daling nilagay ang cellphone ko sa bag ko.

“Bakit ka mukhang kinakabahan?” Kumunot ang noo ni Jiezel.

“Wala sabi eh.” Tumayo ako at nagligpit ng gamit.

Tapos na kasi yung subject namin. Excited tuloy akong umalis at pumunta malapit sa Haggerty House para… para… makita si Avon na tumatambay sa benches.

“Huyyy!” May kumalabit sakin.

Ang akala ko ay si Jiezel, hindi naman pala.

“Je-Jerome?”

Nakangisi si Jerome.

Mas matangkad siya ng konti sakin kaya nakatingala ako sa kanya.

“Surpriseee!” Tumawa siya. “Lika na! Tignan natin si Avon!”

“Ah! Oo! Tara!”

Hinawakan niya ang braso ko at hinila ako palabas ng classroom. Hindi ko alam kung bakit ang lakas ng pintig ng puso ko habang humahakbang kami palabas ng classroom. Tinignan ko siyang seryosong naglalakad palabas.

“Hay! Grabe! Crowded talaga ang engineering building.” Aniya. “Ayos ka lang ba? Di ka ba nabangga ng mga tao?”

Napalunok ako, “Hindi naman.”

Tumango siya at tumingin sa malayo. “Lika na! Tignan natin si Avon doon!” Sabay turo sa Haggerty House.”

Tumango ako at sabay kaming naglakad papunta doon. Habang naglalakad kami, sinubukan kong mag tanong sa kanya.

“Paano mo nalamang yun ang room ko? O nasa engineering building ako?” Tanong ko.

“Minemorize ko yung schedule mo eh. Bakit? Dapat imemorize mo rin yung sakin. Ang unfair naman kasi ako lang yung nakaka memorize nung sayo.”

Tinignan kong mabuti ang mukha niya. Seryoso siya sa sinabi niya. Walang bahid ng pagbibiro o paglalaro sakin.

“O sige, patingin ng schedule mo.” Sabi ko.

Kinuha niya sa bag niya ang schedule niya at binigay sakin.

Nakita namin si Avon na umiiyak at kinocomfort na ng mga kaibigan niya.

“Shet pare! Umiiyak na siya!” Hinawakan niya ulit ang braso ko habang tumitingin kay Avon. “Bakit kaya? Nag away sila?” Tanong niya.

“Ewan ko. Malay ko.” Sabi ko habang tinitignan ang kamay niyang nakahawak sa braso ko.

Nilingon niya ako kaya naabutan niya akong nakatingin sa kamay niya.

“You okay?” Tanong niya.

Hindi niya parin inaalis ang kamay niya sa braso ko.

“Yep…”

“Kausapin mo kaya? Diba magkakilala naman kayo?”

“Ha?” Napalunok ako at tinignan si Avon na umiiyak.

“Schoolmates naman kayo dati. Pwede namang tanungin mo lang siya kung okay lang ba siya. Sige na, pre!” Aniya.

Tumango ako at sinunod ang sinabi niya.

Nanginig yung paa ko habang naglalakad papunta kay Avon. Yun nga lang, hindi ako sigurado kung bakit.

“Av…” Sabi ko.

Nilingon agad ako ng mga kaibigan niyang sina Kacee at Kathy.

“Okay ka lang?” Tanong ko.

Pinunasan ni Avon ang mga mata niya.

“I’m okay.” Pinilit niyang ngumiti.

“Bakit, Lyle?” Tanong ni Kathy.

“Syempre, nag-aalala ako. Napadaan lang ako at nakita kong umiiyak siya. Concerned lang.” Tinaas ko ang kamay ko.

“Nag away lang kami ng kaibigan mong si Daniel. Pero okay na kami. Thanks for asking.” Sabi ni Avon.

Tumango ako at tinalikuran sila.

Nabasa ko sa bibig ni Jerome ang isang malaking, “ANO?”

Umiling ako at nagkibit balikat. Naglalakad ako patungo sa kanya ngayon.

“Wala eh. Okay pa sila.” Sabi ko.

Suminghap siya, “Damn! Man! Kelan ba sila maghihiwalay! Shett!” Aniya at kinagat ang kanyang labi. “Tara na nga lang! Tapos na klase mo diba? Inom tayo!?” Aniya.

“O sige bah!” Sabi ko.

Nag inuman kami. Hindi ko alam kung bakit na disappoint ako nung nag imbita din pala siya ng ibang kaibigan niya. Ang akala ko ay kaming dalawa lang, ang akala ko ay ako lang yung inimbita niya, yun pala hindi… Kabanas.

“Uwi na ako, pre.” Sabi ko nang nakaubos na kami ng dalawang case ng beer.

“Ha? Hatid na kita.” Tumayo siya.

“Wa’g na!” Sabi ko.

Mejo tipsy na ako kaya magandang ideya kung ihahatid niya ako. Ayoko pa namang mag commute pag mejo lasing ako. Hindi ko dinala yung sasakyan ko eh.

“Di, talaga… Uhm… Mga tol, ihatid ko lang si Lyle ah? Iwan ko na kayo.”

“Okay lang, sige…” Sabi nung isang kaibigan niya. “Uuwi din kami. Ubusin lang namin ‘to.” Sabay turo sa apat na bote pa ng beer.

Tumango si Jerome at tinignan ako, “Okay ka pa ba?” Ngumisi siya.

“O naman!” Tumayo ako pero lutang na lutang na ang pakiramdam ko.

Umiikot na ang mundo ko pero nagkunwari akong okay… pinilit kong maging okay… ayokong mapahiya, syempre.

“Mabilis ka palang natatamaan.” Sabay tawa niya habang paalis kami ng bar.

“Minsan lang kasi ako umiinom. Ikaw, mukhang madalas ah?”

“Oo. Haha! Mga kaibigan ko kasi eh…”

Binuksan niya ang pintuan ng sasakyan niya para sakin. Nagulat na naman ako sa ginawa niya. Pero wala lang sa kanya. Umikot siya agad at pinaandar ang sasakyan. Umiling ako para makalimutan ko ang mga iniisip kong di tama.

“Babalik ka pa ba dito?” Tanong ko habang tinitignan siya.

Kinagat niya ang labi niya habang pinapaliko ang sasakyan niya.

Sumulyap siya sakin nang nakangisi at nakakagat labi.

“Hindi na.” Aniya. “Kung wala ka na… eh di na ako babalik. What’s the use, diba?” Tumawa siya.

God! This isn’t right! I’m so damn sure this isn’t right. Ayokong isipin pero hindi ko makaligtaan. Kinalimutan ko ang lahat. Nakipagkaibigan ako sa ibang lalaki. Iniwasan kong mag reply sa texts niya. Iniwasan ko rin siya sa school. Isang buwan din ang pag iwas ko sa kanya. Pero syempre pag nandyan na siya, nagkukunwari akong okay lang tapos biglang may pupuntahan akong importante.

Kahit na gustong-gusto ko rin siyang makasama, pinigilan ko ang sarili ko. Ayoko! Grabeng disiplina ang ginawa ko. May mga pagkakataong nagkikita na kami sa corridors. Kahit gusto ko siyang pansinin at kamustahin, lumiliko ako at umiiwas para lang makalimutan ang lahat.

Isang araw, habang nasa engineering building na naman ako, nag text siya.

Jerome: Miss na kita, pre. Di ka na masyadong nagpapakita. Di ka rin masyadong nag rereply. Miss na kita talaga.

Shit! Napapamura ako ng di oras dito. Pumikit ako. Matagal pa bago ko dinilat ang mga mata ko. Hindi ako makapaniwalang ang bilis ng tibok ng puso ko. Dinig na dinig ko. Pinikit ko pa lalo ang mga mata ko. Baka sakaling joke lang ito. Baka sakaling hindi ito totoo. Wrong send lang ito! Wrong send lang!

Nagbeep ulit ang cellphone ko. Dinilat ko agad ang mga mata ko at nakita ang isa pang text message galing kay Jerome.

Jerome: Lyle! I miss you!

SHIIIIIIIIIIIT! FVCK! Bakit imbes na mandiri ako ay mas lalong bumibilis at lumalakas ang tibok ng puso ko? Dinilat ko ulit ang mga mata ko kasi may text ulit si Jerome. Sana sabihin niyang joke lang ang lahat!

Jerome: Mag aabang ako ngayon sa labas ng room mo. Hindi ko na kayang di ka nakikita.

Wala na. Lumabas na yata ang kaluluwa ko sa huling sinabi niya. Namanhid ang kamay ko habang tinitignan kong mabuti ang message niya.

“Lyle!” May biglang kumalabit sakin.

Pakiramdam ko aalis na ang puso ko sa dibdib ko… Nilingon ko. Akala ko si Jerome na, hindi pala!

“Lyle, one fourth sheet of yellow paper sabi ni Sir. Ano bah?” Iritang sinabi ni Jiezel. “Sino ba yang ka text mo?” Tanong niya sabay silip sa cellphone ko.

Tinago ko agad. Pinagpawisan ako ng sobra dun ah!?

“Hmmp!” Umirap siya. “Eto na nga!” At binigyan ako ng one fourth sheet.

Wala akong naisagot sa quiz namin. I’m too preoccupied. Ang gulo ng utak ko.

“Lyle, eto, sagot oh?” Sabay pakita ni Jiezel sakin ng papel niya.

Tumango ako at kinopya ang ibang sagot niya.

Pagkatapos ng quiz ay dismiss agad. Niligpit ko agad ang gamit ko. Nanginig yung binti ko sa sobrang kaba. Kahit kinakabahan ako, gusto ko paring lumabas para tignan kung naghihintay nga siya sakin.

“Lyle!” Hinila ni Jiezel ang braso ko.

“What?” Gigil akong nilingon siya.

Napaatras siya ng konti.

“Nakalimutan mo ‘to.” Sabay pakita sakin ng cellphone ko.

“What?! Shit!” Kinuha ko agad at nilagay sa bulsa ko.

Kumunot ang noo ni Jiezel. Buti mukhang wala siyang nababasa.

“PREEEE!” Tinakpan ni Jerome ang mga mata ko.

Shet shet shet! Nasa likuran ko na siya! Nilapad ang kaluluwa ko sa sobrang kaba. Hindi ko na malunok ang sarili kong laway sa sobrang kaba ko.

“Na miss kita! Ba’t di ka nag rereply?”

Tinanggal niya ang kamay niya sa mga mata ko. Naaninaw ko agad ang mga mata niyang kumikislap. Ganiti din ba ang nararamdaman niya sakin? Oh my God! Nakalimutan ko agad kung bakit ko siya iniiwasan! Bakit ganito? Hindi ko alam? Nanginginig na ako!

“Wala ako load, p-pre.” Sabi ko.

“OWS? Talaga?” Bulong niya.

Nakita kong nakatunganga pa si Jiezel sa harapan namin. Kaya umalis ako sa classroom. Sumunod din si Jerome.

“Akala ko iniiwasan mo na ako eh. Kinabahan ako dun.”

“H-Ha? Bakit naman kita iiwasan?” Nag iwas ako ng tingin habang naglalakad kami.

Siya naman, titig na titig sakin.

“Ewan ko sayo. Kasi ayaw mo na akong makasama or something?”

Suminghap ako. Gusto kong magmura sa harapan niya. Gusto kong sumbatan siya. Gusto kong iwasan siya. Gusto kong sabihin sa kanya ang weird kong nararamdaman. Gusto kong tanungin siya kung ganun din ba ang nararamdaman niya. Gusto kong malaman kung ano ba ang ibig sabihin ng lahat ng ito?

“Ha? Ba’t naman kita ayaw makasama?” Napalunok ako.

“Baka ayaw mo na akong makasabay kumain, magbasketball, inuman at iba pa. Baka di mo ako miss tulad ng pagka miss ko sayo. Sorry, pare pero miss kita at di ko sinasadya ang lahat ng ito. Pinagsisihan ko ang lahat.”

Natigil ako sa paglalakad. Nasa gitna kami ng corridor. Maraming estudyanteng naglalakad at nagmamadali para sa susunod na klase. Hindi nila kami pinapansin. Wala lang. Hindi makabuluhan sa kanila ang nangyayari ngayon samin. Para kaming magkaibigang nag uusap lang sa gitna ng corridor. Maaring galit ang iba kasi nasa gitna kami, hindi sila makadaan ng maayos. Ang iba naman ay iniiwasan na lang kami dahil sa sobrang pagmamadali nila, wala na silang panahong magalit sa kung sino man ang humaharang sa daanan nila.

Pero para akin, ito na! This is the moment. Ito na ang matagal kong hinihintay. Nandito ang sagot ng mga tanong ko. Maaring wala pang kasiguraduhan ang lahat sa ngayon, pero development na ito. Dito ako magsisimula. Dito ko malalaman. Ito na lang ang importante para sakin ngayon.

“Sorry, pare.” Yumuko siya.

Napalunok naman ako. Atat na ako sa sasabihin niya. Ayaw niya pang diretsuhin. Pero ayoko rin namang sirain ang momentum. Kaya kong maghintay sa sasabihin niya.

“Miss na miss na kita.”

Kahit na maingay dahil sa mga estudyanteng dumadaan, nakakabinging katahimikan ang bumalot sa buong sistema ko.

“Natatakot ako sa paglayo mo.” Umiling siya. “Natatakot ako dahil ayokong lumayo ka sakin.”

Gusto kong sumipa ng kahit anong matigas na bagay. I want to channel my feelings through pain. Masaya ako sa sinabi niya, pero masakit din dahil alam ko ang tatalikuran ko. Alam ko kung anong mangyayari sa oras na tatalikuran ko iyon. Hindi ako makapaniwala. Umiling ako.

“Bakit? Talaga bang lumalayo ka sakin? Talaga bang iniiwasan mo ako? Sorry, Lyle.” Lumunok siya.

Parang kinurot ang puso ko. Barado din ang lalamunan ko habang tinitignan siyang nahihirapan. Pareho kaming nahihirapan. Alam ko dahil ganun din ang nararamdaman ko. Pareho lang kaming dalawa… Biktima kami ng maling pagkakataon. Maling buhay…

“Sorry kung hindi ko sinabi sayo nung nag break na si Avon at Daniel.”

Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya. Tumigil sa pag ikot ang mundo ko. Hindi ako makapaniwala!

Gusto kong magtanong nga marami… pero di ko magawang magsalita.

“Sorry kung di ko sinabi sayong niligawan ko si Avon at ngayon ay kami na… Sorry kung dahil dito ay iniiwasan mo na ako. Sorry dahil sinira ko ang friendship natin. Miss na miss na kita at sorry kung madaya ako dito. Natatakot kasi akong maunahan mo. Syempre, magkakilala na kayo ni Avon noon. Natatakot akong baka maunahan mo ako pag nalaman mo kaya di kita sinabihan. Pero nung iniwasan mo na ako, narealize kong baka nalaman mo na ang lahat. Ngayon, I just want to apologize for the damage.”

Tumulo ang luha ko. Parang waterfalls na tumulo galing sa mga mata ko. Hindi ako makapaniwalang kaya kong umiyak ng ganito sa harap ng mga estudyanteng naglalakad.

Humikbi pa ako sa sobrang habag ko. Bakit ganito?

Bakit ang sakit? Nagkamali ako? Walang hiya! Walang hiyang buhay! Bading ba ako? Bakla ako kasi gusto ko siya? Mahal ko ang lalaking ito? Tapos akala ko pareho kami ng nararamdaman, yun pala mag isa lang ako? Yun pala ako lang? Yun pala ako lang yung nasa ibang direksyon simula’t sapul?

Oh my God!

Pinunasan ko ang mga luha ko. Ang hirap ng ganito. Hinugot ko na ang buong lakas ko para aminin sa sarili ko ang katotohanan. Nagkaroon ako ng lakas ng loob dahil akala ko pareho kaming dalawa. Hindi ko matanggap yun sa sarili ko pero dahil akala ko pareho kami ng nararamdaman, mas naging katanggap-tanggap, mas naging okay, mas lumuwang at mas madaling sang-ayunan. Para akong nagpahulog ako sa mga bitag na hindi para sakin, kumain ako ng masarap na pagkaing panis pala, naniwala sa mga salitang hindi ako ang kinakausap, napangiti ng mga katagang hindi sakin ang patama, umasa ng mga pagkakataong hindi kailanman magkakaroon ng panahon… Masakit. Masakit na ngang umamin, mas masakit pang mabigo.

“Sorry, pare… Sorry talaga.” Tinapik niya ang balikat ko.

Nilingon ko ang kamay niya sa balikat ko.

“Okay lang! Good luck pare!” Sabi ko sabay punas ng luha ko.

Hindi ako umiiyak dahil na sa’yo si Avon. Umiiyak ako dahil kanya ka. Dahil hindi si Avon ang gusto ko, kundi ikaw. Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang lahat pero sigurado akong dito magtatapos.

Like

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

51

36 Responses to Nung Narealize Mo Na…

  1. Gosh nung una nalito ako kung babae or lalaki yung nagsasalita yun pala lalaki na may pusong babae… Naawa ako sa kanya… ?

    Reply
  2. First time ko tong nabasa. Gulat na gulat ako. Akala ko gusto rin ni Jerome si Lyle. HAHAHAHA. Nice one, Queen <3

    Reply
  3. I can’t decide whether Lyle’s a boy or a homo??? bumalik ka na lang sa pagiging straight.. shucks! namomroblema ako para sa’yo dude!

    Reply
  4. Excellent blog here! Also your website loads up very fast! What web host are you using? Can I get your affiliate link to your host? I wish my web site loaded up as fast as yours lol

    Reply

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>